Huwebes, Setyembre 18, 2014

The Final Countdown

September 18, 2014
23:59
98 days before Christmas

Mahilig ka ba sa countdowns? Ako, oo. Mahilig akong mag anticipate ng mga mahahalagang araw. Birthday, Pasko, sembreak, summer vacation, etc., etc.

Siguro para sa ilan, sasabihin nila sa akin: "Hindi ka ba naiinip?"

HINDI.

18 yrs., 3 mos. and 13 days na ko ngayon, at sa mga panahong may malay na ko sa mundo, naitanong ko din sa sarili ko, bakit nga ba ang hilig kong maghintay? Bakit nga ba?

Nabubuhay tayo sa panahong halos lahat ng bagay ay nakukuha natin sa isang kisapmata lang. Instant kumbaga. Lahat mabilisan. Sa sobrang bilis, hindi mo na malasap ang pagkakataon. Sa sobrang bilis, hindi mo na alam ang kahalagahan ng mga bagay na hawak mo ngayon.

Minsan naiisip ko, bakit hindi na lang ako makibagay? Madaliin ko na lang din kaya ang lahat ng bagay? Pero nasabi ko sa sarili ko, AYOKO.

Nakakainip? Oo naman. Nakakainip talaga. Minsan, nakakainis na. Gustong-gusto ko ng makuha, gustong-gusto ko ng dumating, pero kailangan ko pang hintayin.  Nakakapagod? Hindi. Sa totoo lang, habang nagtatagal, lalo akong lumalakas. 

"Parang hindi ka naman kapani-paniwala? Mahilig ka maghintay?"

Maniwala ka at sa hindi, yun ang katotohanan. Sa mundong ang lahat ng bagay ay nakukuha ng mabilisan, hindi na nalalaman ng tao kung paano magpahalaga, at ayokong maging isa sa kanila. Ngayon alam ko na kung bakit mahilig ako sa mahabang hintayan. May mga bagay, may mga tao na karapat-dapat hintayin at paglaanan ng panahon, at kung dymating ang panahon na napunta na sila sayo, pahahalagahan mo ito. Sinong tao ba naman ang papayag na mawala sa kanya ang hinintay nya ng mahabang panahon?

Miyerkules, Setyembre 10, 2014

Ang dahilan kung bakit ayaw kong matulog

"Matulog ka na."

Ayoko pa. Yan ang lagi kong sinasagot.

May dalawang dahilan ako kung bakit ayaw kong matulog: Una, dahil gising pa sya, at ung pangalawa...yan ang pagtutuunan ko ng pansin sa blogpost na ito.

Masarap matulog. Masarap matulog lalo na pagkatapos ng isang mahaba at nakakapagod na araw. Lilinawin ko lang, gusto ko din matulog. Ang sarap kaya matulog. Pero may pagkakataong ayoko talaga.

Panaginip.

Masarap managinip. Nakakatakot managinip. Ako, takot akong managinip. Ito ang dahilan kung bakit may mga pagkakataong ayokong matulog.

Panaginip. Sabi nila, ang mga bagay na napapanaginipan mo ay ang mga bagay na gusto mo talagang mangyari sa buhay mo. Nabubuhay ang mga pantasya ng tao sa kanyang panaginip. Naglalakbay tayo sa isang mundong malayo sa realidad. Isang mundong mawawala rin sa pagmulat ng ating mga mata.

"Bakit naman po ganyan ang dahilan mo?"

Lagi akong nasa realidad. Hindi ako nag-iisip ng mga bagay na hindi naman pwedeng mangyari. Pero nagbago ang lahat nitong mga nakalipas na buwan. Nanatili ang isang bahagi ng katauhan ko sa realidad, pero ang isang bahagi ay nagpunta sa mundo ng panaginip. Nasabi ko sa sarili ko: "Parang gusto ko ng umalis sa tunay na mundo at mabuhay sa mundong pinapangarap ko."

Sa realidad, hindi pwede ang gusto ko.

Tuwing gabi iniisip ko, "Ano naman kaya ang mangyayari sa panaginip ko? Sana naman hindi ako managinip." May mga bagay akong kinatatakutan.

Isa rin naman akong taong nangangarap. Isa rin akong tao na gustong buhayin sa kanyang panaginip ang kanyang mga gusto sa buhay. Ang kaso lang, ayokong paasahin ang sarili ko sa isang bagay na mabubuhay lamang sa ilusyon.

Natatakot ako managinip ng isang magandang panaginip. Natatakot akong bangungutin. Pero isang kabalintunaan kong maituturing, na ang isang magandang panaginip sa iyong pagkakahimbing, ay maaaring maging isang bangungot sa iyong paggising.