Nababaliw ako dahil sa iba't-ibang konsepto at teorya na kailangan kong matutunan para makatapos sa kursong ito, gayunpaman, binuksan nito ang mata ko sa tunay na mundo.
Sa totoo lang, di ko rin alam kung bakit nga ba Mechanical Engineering ang kinuha ko. Una, hindi ako matalino tulad ng inaakala ng iba. Pangalawa, may alam ako sa mga makina, sa mga proseso kung paano ito tumatakbo, sa mga teorya na may kinalaman sa inhenyeriya, pero hindi ako interesado dito. Ang interes ko at hilig ay sining. Isa akong pintor kaya kung tutuusin, dapat pala Fine Arts ang kinuha ko. At panghuli, gusto ko talagang maging pari, hindi isang engineer. Sa madaling sabi, ni sa hinagap ay di ko inakalang sa kursong ito ako mapupunta. Pero tulad nga ng sinasabi ko sa lahat ng mga kaibigan ko: "May dahilan ang lahat." At ngayon, hinahanap ko ang dahilan kung bakit ako nandito sa kursong ito.
Sa ngayon, nasa ikatlong taon na ko ng pagaaral sa kursong ito. Sa ngayon masasabi kong 'so far, so good' ang takbo ng karera ko. Konti na lang, sabi ko, makakatapos din ako. Sa halos tatlong taon na pananatili ko sa Unibersidad at kolehiyo na aking pinapasukan, namulat ako sa mga bagay na sa tingin ng karamihan ay hindi naman kailangan.
Algebra. Problemang de numero na hinaluan ng letra. Partial fractions. Linear equations, etc.
Chemistry. Mga elements. Mga chemical. Stoichiometry. Mole-to-mole relations. Balancing equations, etc.
Trigonometry.
Solid Mensuration.
Analytic Geometry.
Physics. Acceleration. Velocity. Free-falling bodies. Electromagnetism. Static. Electric field lines. Capacitance, etc.
Calculus. Limits. Time rates. Maxima and minima. Integration. Wallis' formula, etc.
Thermodynamics.
Statics.
Ang mga subject na yan ay simula pa lng. Ngayong 3rd year, nadagdagan pa sila at hindi na basta basta.
Kung titingnang mabuti, maiisip mo siguro: "San ba gagamitin ang mga yan?" Sasabihin ng karamihan, "Ah basta! Kailangan kong ipasa yan dahil major yan!" Naaalala ko pa ang biruan namin noon: Subukan daw naming gamitin sa tunay na buhay ang mga subject na yan tingnan lang daw namin.
Kung tutuusin, may punto naman ang birong iyon. Isipin mo na lang kung habang naglalakad ka ay kinocompute mo kung gano ka kabilis maglakad. O kaya gagamitan mo ng Algebra kung magkano ang sukli ng tindera nung bumili ka ng suka. O kaya sinukat mo pa ang dapat na angle ng trajectory ng bola para makapasok sa ring pag naglalaro ka ng basketball. O kaya naman ipapaliwanag mo pa sa kapatid mong 6 yrs. old kung bakit lumalamig ang mainit na tubig at kung bakit umiinit ang malamig na tubig gamit ang Zeroth Law of Thermodynamics.
Sa mata ng karamihan, sa mata ng isang inhinyero, titingnan lang nila ang mga subject na ito bilang mga 'pagsubok' na kailangang malampasan para makarating sa paroroonan. Pero kung lalawakan lamang natin ang ating mga kaisipan, makikita natin ang kanilang kahalagahan.
Natutunan ko sa Algebra na kaya nating pasimplehin ang mga komplikadong problema. Itinuro sa akin ng chemistry na ang mga elemento ay may kanya-kanyang katangian, tulad nating mga tao. Kanya-kanya man ng katangian, lahat tayo ay may kahalagahan, tulad ng mga elementong bumubuo sa ating mundo. Natutunan ko sa Differential Calculus na may mga bagay na mabilis nagbabago (Differential Calculus is concerned with the study of the rates at which quantities change.) Natutunan ko sa Physics na sa bawat ginawang aksyon ay may katumbas na parehas na reaksyon. Natutunan ko sa Thermodynamics na kahit ibigay natin ang lahat, hindi pa rin ito sasapat (2nd Law of Thermodynamics)
Hindi sasapat ang isang aklat kung lalahatin ko ang mga bagay na natutunan ko Kolehiyo ng Inhenyeriya. May dalawang taon pa akong natitira at kailangang bunuin bago makatapos. Sa loob ng natitirang panahon na iyon, lulubusin ko na ang pagkakataon na matuto pa. Lulubusin ko ang pagkakataon na buksan at palawakin pa ang aking isipan. Dahil sa panahong inilagi ko at ilalagi pa sa Kolehiyo at kursong napili ko, marami pa akong matututunan, at siguro sa loob ng panahong iyon, isang araw magiging malinaw hindi lang para sa akin, kundi para sa lahat, kung ano ang mundo sa mata ng isang inhinyero.