Takot ka bang mamatay?
Isang tanong na mahirap sagutin. Isang tanong na nakakatakot sagutin. Isang tanong na mahirap intindihin.
Nitong mga nakaraang araw, sunod-sunod na trahedya ang dumating sa aming lalawigan dito sa Bulacan. May ni-rape slay, may hinoldap at saka pinatay, at nitong Martes, ilang estudyante ang namatay sa isang aksidente habang nasa exposure trip.
Habang pinanood ko sa TV ang mga balitang ito, maraming bagay ang umikot sa isip ko. Bakit nangyayari ang mga bagay na ito? Ano kaya ang nararamdaman ng mga mahal nila sa buhay? Paano kung may mangyari din sa akin? Paano kung may mangyari din sa mga taong mahalaga sa akin? Paano. Bakit. Ano. Madaming tanong. Napakadaming nagtatanong.
"Bakit nangyayari ang mga bagay na ito?"
Yung ilan (pasensya na sa mga Atheists at Agnostics), sisihin ang Diyos sa mga bagay na nangyayari. Lalo nilang panghahawakan ang paniniwala nilang walang Diyos. Pero para sa karamihan, ang tanong nila, bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ito?
"May plano ang Diyos."
Sasabihin ng mga nakikiramay sa mga naulilang mahal sa buhay ang mga salitang ito. Siguro iisipin ng mga naulila, ano ang plano Niya? Maraming tanong, pero sa dami ng tanong na ito, di natin alam ang sagot kahit isa man. Ang katotohanan, Diyos lang ang nakakaalam. Wag natin siyang pangunahan.
Kanya-kanyang kuru-kuro. Kanya-kanyang opinyon. Siguro hindi nila sinasabi, pero mararamdaman mo na natatakot din sila. Iniisip na kung paano kung sila ang nasa kalagayan ng mga sawimpalad na biktima.
"Kung oras mo na, oras mo na."
Sabi ng matatanda. Dati, naitanong ko sa sarili ko, kailan kaya? Naitanong ko siguro yun kasi gusto ko siyang mapaghandaan. Kung alam ko lang siguro kung kailan, gagawin ko na ang lahat ng bagay na magpapasaya sa akin. Mga bagay na magpapasaya din sa mga taong mahalaga sa akin. Sa kasamaang palad, di talaga natin alam. Walang nakaaalam.
Mortem. Death. Kamatayan. Isang reyalidad ng buhay. Di mo kayang takasan. Di mo kayang pigilan. Mahirap tanggapin pero kailangan. Isang reyalidad ng buhay na kinatatakutan. Lahat tayo ay naranasan ng mamatayan ng isang mahal sa buhay. Alam ko ang pakiramdam. Masakit. Pero alam n'yo kung paano lalabanan ang takot sa kamatayan? Buhayin mo ang mga alaala. Kalimutan ang trahedya at alalahanin ang mga sandaling sila'y atin pang nakakasama. Sariwain ang mga pagkakataon na tayo ay kanilang napatawa, at mga panahong tayo ang nagpangiti sa kanila. Buhayin mo sila sa iyong puso. Marahil wala na sila sa mundong ito, ngunit buhayin mo sila sa iyong puso. Gawin mo silang bahagi ng iyong pagkatao. Sila na naging bahagi kung naging ano ka ngayon. Sa ganitong paraan, ang takot sa kamatayan ay buong puso mong malalabanan.
Nakikiramay ako sa lahat ng naulilang mga mahal sa buhay.
Mapanatag nawa ang kanilang mga kaluluwa.
"Eternal rest grant unto them O Lord, and may Perpetual Light shine upon them."
Requiescat in Pace. +
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento