"Paa, tuhod, balikat, ulo..."
Unang kantang natutunan ko
Pero alam mo bang kanta ko rin ito para sa'yo?
Paa.
Pinapangarap kong darating ang araw
Na makikita kitang naglalakad
Patungo sa akin, patungo sa Dambana
Makayari'y sabay tayong lalakad palabas ng Simbahan
Magkasamang maglalakbay, magpakailanman.
Tuhod.
Pinapangarap kong sa harap ng Diyos sabay tayong luluhod
Ang ating mga panalangi'y sabay nating iluluhog,
Pinapangarap ko ring sa harapan mo'y lumuhod
At isambitla ang tanong:
"Maari ba kitang maging ginang at ako ang maging iyong ginoo?"
Balikat.
Pinapangarap kong ika'y sumandal sa aking balikat
Humimlay sumandali, managinip at mangarap
At sa pagdilat mo, binibini, ikaw sa 'kin ay yumakap
Hindi ka bibitawan, at laging pangangalagaan.
Ulo.
Pinapangarap kong mahalikan ka sa noo
Patunay na ako ay tapat at totoo,
Ngunit madalas napapaisip ako,
Ni minsan ba ako'y sumagi sa balintataw mo?