Sabado, Oktubre 1, 2016

Pananaginip

Nanaginip akong tayo'y magkasama. Magkahawak ang kamay, at nakahilig sa aking balikat ang iyong ulo. Paulit-ulit kong hinahalikan ang iyong noo, patunay na totoo ang pag-ibig ko para sa'yo.

Nanaginip akong ika'y humahangos patungo sa akin, na tila ba natapos na ang panahon ng matagal na di pagkikita, at tayo ay parehong nasabik na muling lumakad magkasama.

Nanaginip akong hinahawakan ko ang iyong pisngi, dahilan sa patuloy akong namamangha sa taglay mong kagandahan, kagandahang lingid sa mata ng karamihan.

Nanaginip akong ako'y nakayakap sa iyo. Binibigyan ka ng init sa t'wing ika'y nilalamig, binibigyan ng lakas t'wing ika'y natatakot.

Nanaginip akong ika'y umiiyak sa akin, at sinasabi sa akin ang mga bagay na pinakatatago-tago mo sa iyong sarili. Ibinahagi sa akin ang iyong mga kalungkutan, at sinikap kong ika'y pangitiin bagamat alam kong ang iyong kalungkutan ay di ko kayang pawiin.

Nanaginip akong tayo'y magkasamang tumatawa. Nagsasamang masaya, sa piling ng isa't isa at ng ating naging pamilya.

Nanaginip ako ng isang magandang panaginip.

Ngunit ako'y nagising, at nakita ang dulo ng langit.

Binibini, sa panaginip na lang kita yayakapin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento