Biyernes, Pebrero 20, 2015

Sub Silentio V.2

Maingay ang mundong ginagalawan natin ngayon. Gigising tayo sa umaga, maghahanda para sa isang panibagong araw. Yung iba papasok sa trabaho, yung iba papasok sa eskwela, yung iba makikipagsapalaran para sa pamilya nila. Buong araw tayong nakikipagbuno sa kanya-kanya nating mga gawain. Sa gabi, didiretso tayo ng pahinga, matutulog, kinabukasan, ganun uli ang magiging takbo ng buhay natin. Sa ganitong takbo ng ating buhay, may itatanong ako sayo:

Nasubukan mo na bang tumigil sandali at magmuni-muni sa katahimikan?

Katahimikan. Nakakatakot ang katahimikan, yan ang sabi ng isang Obispo sa kanyang homilya nang minsang magsimba ako. Bakit nga ba nakakatakot ang katahimikan? Dahil ba nasanay tayo sa isang maingay na mundo? O baka naman kaya natatakot tayong makinig?

Ano ang kinatatakutan mong marinig? Mga katotohanang itinatanggi mo pa rin sa iyong sarili? Ang pang-uusig ng iyong konsensya?

Marahil. nakakatakot nga siguro ang katahimikan, lalo't higit kung nagkukubli tayo sa isang maingay at magulong mundo para tumakas sa realidad ng ating pagkatao. Natatakot tayong lahat sa katahimikan dahil ayaw nating marinig ang sigaw ng ating mga damdamin.

Natatakot tayong maulinigan ng iba ang tunay na nilalaman ng ating puso't isipan.

Gayunpaman, may isang tinig na nagsasalita sa katahimikan na nakakaalam ng lahat.

Siya ang tinig na nagbibigay sa atin ng kapahingahan.
Siya ang tinig na pumapawi ng ating takot.
Siya ang tinig na nagsasabing, "Pumanatag ka. Nandito lang Ako."

Siguro nga nakakatakot ang katahimikan, pero kung ating papakinggan ang tinig Niya, may dahilan pa ba para matakot tayo?

"God speaks in the silence of the heart."

Nasubukan mo na bang tumigil sandali at magmuni-muni sa katahimikan?

Huwag tayong matakot. Alam na Niya ang sasabihin mo bago ka pa man makapagsalita. Alam Niya ang nasa kaibuturan ng ating mga puso. Pakinggan mo ang tinig Niyang tumatawag sa katahimikan. Makakadama tayo ng kapahingahan, at ating makikilala ang tinig Niya. Dominus Est. "It is the Lord."


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento