Biyernes, Hulyo 31, 2015

Ang Liham ni Rizal para kay Leonor


Mahiyain ako at kahit maraming ideyang tumatakbo sa isip ko, 'di ko magawang ibahagi ang mga ito dahilan sa takot ko na humarap sa madaming tao. Madalas, idinadaan ko na lang sa paghawak ng papel at panulat o kaya'y sa pagtipa sa mga letra ng keyboard ang pagpapahayag ng aking mga saloobin, at sa panahong itong dinodomina ng social media, ginagawa ko rin itong tulay para maibahagi sa iba ang aking mga nalalaman, at nararamdaman.

Torpe. Torpedo. Etc., etc. Kung anu-anong tawag, iisa ang pinatutungkulan. Isang taong walang lakas ng loob na umamin sa tunay niyang nararamdaman. Sige, ibilang mo na ako sa kanila. Duwag mang maituturing, masasabi kong ang mga bagay na natatago sa aking kalooban ay pawang katotohanan dahilan sa ito'y mga bagay na kinikimkim, itinago't iningatan, na kung huwad man ay dapat matagal ko nang kinalimutan para naman mabawasan ang mga dalahin ko sa aking kalooban.

Kung tutuusin, maraming pagkakataon na sana'y nasabi ko sa'yo kung ano ang nadarama ko. Madalas ako sa inyo, binibiro ako ng mga batang kasama ko, etc., etc. Sa mga pagkakataong iyon, wala akong ibang naiisip kundi "Sana'y biniyayaan din ako ng lakas ng loob" dahil sa totoo lang, ang hirap magtago at magpigil ng nararamdaman lalo't higit kung nariyan ka lang naman sa aking harapan.

Tulad ng una mo ng nabasa, mahina ang loob ko pagdating sa pagpapahayag ng damdamin sa personal na paraan, kaya't minabuti kong idaan sa isang maikling liham ang pag-amin ko sa iyo. Tulad ng kung paano ipinahayag ni Rizal kay Leonor Rivera ang kanyang nararamdaman para sa huli sa pamamagitan ng isang liham ay gayon din naman ang nais kong gawin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento