Sabado, Agosto 22, 2015

'Wag kang magalit

'Wag ka sanang magalit
Kung t'wing umaga'y binabati kita ng "good morning"
Gusto ko lang kasing ipadama sa'yo,
Na sunod sa Maykapal at sa pamilya ko,
Ikaw ang nilalaman ng isip ko.

'Wag ka sanang magalit
Kung lagi kitang tinatanong kung kumain ka na ba
'Di kita gustong patabain,
Gusto ko lang ipadama sa'yo
Na pinahahalagahan ko ang kalusugan mo
Iwasan mo sanang kumain ng kung anu-ano,
Lalo't higit ng mga chichiryang nabibili sa kanto.

'Wag ka sanang magalit
Kung pinapakanta kita lagi
Gusto ko lang kasing marinig ang boses mo
Nahihiya kasi akong kausapin ka,
Kahit alam kong nasa harap lang kita.
At nais kong malaman mo
Na musika sa tenga ko ang tinig mo,
Kahit sinasabi mong ika'y sintunado.

'Wag ka sanang magalit
Kung tinatadtad kita ng sticker sa Messenger
'Di ko lang kasi alam ang sasabihin ko
Para makapagsimula ng kwentuhan
At gusto kong malaman mo
Na interesado ako sa kung anong maikekwento mo,
Lalo't higit kung anong nangyari sa araw mo

'Wag ka sanang magalit
Kung lagi kitang kinukulit
Gusto ko lang ipadama sa'yo
Na nandito ako, iniisip kung kumusta ka kaya sa mga oras na ito
Alam kong may ginagawa ka din
At kung naaabala man kita'y,
Humihingi ako ng paumanhin

Maraming paraan para sabihing 'Mahal kita'
At nais kong malaman mo,
Na ang mga gawain kong ito
Ang magsisilbing alegorya ng mga salitang di ko masabi sa'yo ng tuwiran




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento