Paano tayo umabot sa ganito?
Bilang isang Pilipino, ikinararangal ko na kilala ang ating lahi sa maraming katangian na bagamat hindi katangi-tangi, ay dapat ipagmapuri.
Tayong mga Pilipino raw ay palangiti at masiyahin, palakaibigan, mapagmalasakit, matulungin, madasalin, mainit sa pagtanggap sa kapwa, kakilala man o hindi, at marami pang iba. Dala marahil ng ating mga paniniwalang nakaugat sa pananampalataya sa Diyos, sinasalamin ng mga katangiang ating kinalakihan ang kung anong dapat at mabuti.
Pero, anong nangyari?
Ang isa sa ating pagkakakilanlan bilang isang lahi, tila natabunan na ng mga ugaling taliwas sa mabuti.
Sa panahon ng internet at social media, kung saan halos lahat ng tao ay maaring magbigay ng kanilang mga opinyon, nakakalungkot at nakakagalit na makita kung paanong unti-unting nawawala ang urbanidad at pagiging disente ng karamihan. Hindi na naging paraan ng mabuting diskurso ang social media, lalo na sa Facebook na pinakapamilyar sa mas nakararami. Naging tanghalan ito ng mga Pilipinong walang malasakit sa kapwa, walang simpatiya, walang pakikiramay. Purong kawalang-hiyaan. Ang dali para sa kanilang magbitaw ng mga salita at opinyon na walang pakialam sa kung anong tama o mali. Ang mahalaga sa kanila, makapagkomento.
Pinapapalala pa ito ng mga "influencers" na mas dapat sigurong tawaging "clout chasers". Mga tipo ng tao na sasakyan ang isang isyu o sikat na mga tao o grupo ng tao, at magkokomento ng negatibo o kaya ay "edgy take" para mapansin. Madali pa namang madala ang mga tao sa mga hindi pangkaraniwang opinyon sa mga usapin. "Parang tama nga ito ano?" "Siguro nga ganito talaga yon." At dahil mabilis lumaganap ang mga bagay sa social media, mas madali itong kumakalat, mas marami ang nakakakita, nadagdagan ang mga naniniwala.
Isa rin siguro sa nagbibigay ng lakas ng loob sa maraming nagkakalat ng kawalang-hiyaan sa internet ang kawalan ng pananagutan (accountability). Ang dali nga namang gumawa ng account na may ibang pangalan, o kaya naman ay mag-deactivate o mag-delete ng account kung sakaling may kaharaping kapalit ang kawalang-hiyaan sa internet.
Idagdag pa rito ang mga "makabagong" pagtingin sa ugali ng tao. Sa social media, laganap ang pananaw na ang mga taong mabuti, disente, magalang, at kung ano pang kabutihang pwedeng taglayin ng tao, ay mga ipokrito at plastik, minsan elitista pa. Ang mga madasalin daw, nagdadasal pa at nagsisimba, pero pagkatapos naman, manghuhusga na ng kapwa. Ang mga disente naman, may tinatago ring kalokohan. Etc., etc. Kung ito ang pagbabatayan, ano ang sukatan ng pagiging mabuti sa panahon ngayon? Magpakatotoo raw tayo. At ano ang pagiging totoo sa panahon ngayon? Kung anong kabaligtaran ng bawat mabuting ugaling alam mo. Disente ka? Maging bargas ka na lang. Magalang ka? Maging bastos ka na lang. Ito ang sukatan ngayon. Nakatuon sa kahinaan natin bilang tao. Ito raw ay likas na sa atin dahil tayo ay nagkakamali. Hindi na nababatid ng marami na tayo bilang tao ay hindi likas na masama. Oo, tayo ay nagkakamali, pero hindi ito ang dapat nating maging pagkakakilanlan. Kung sa paggawa mo ng mabuti ay nakakagawa ka pa rin ng masama, ipinapakita lamang noon na tayo bilang tao ay nagsisikap pa rin na magpakabuti, dahil ito ang tunay na kalikasan natin. Ang mahirap din kasi sa atin, takot tayo at ayaw natin sa pagtatama. Kaya ang madaling gawin, yakapin na lang ang kamalian. Ito na lang ang gawin nating sukatan.
Nakakalungkot at nakakagalit makita ang asal ng maraming tao sa social media. May krisis sa moralidad sa panahon natin ngayon, at dala ito ng makabagong teknolohiya, na sa simula pa ay isang espadang may dalawang talim. May dulot na mabuti, may dulot na masama.
Bilang Pilipino, ang hirap itanong, paano tayo umabot sa ganito? Hindi ko alam ang sagot, pero mas maganda siguro kung mag-uumpisa tayong tumingin sa sarili natin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento