Ikaw ay tubig
Na dumadaloy nang marahan,
Dala ang katahimikang
Hinahanap ng isipan.
Kung maglayag man,
At ako'y maligaw,
Ikaw ang paraluman
Nitong buhay kong hiram.
Ikaw ang apoy
Na nagbibigay-init
Sa nanlalamig na pusong
Puno ng pananabik.
Ikaw ang hangin
Na umiihip nang payapa
Sa lahat ng dako ay naroon,
Tulad ng 'yong mga alaala.
Ikaw ang moog kong
Sandigang matibay,
Kublihan ng tuwa,
At ng aking mga luha.
Ikaw ang tanggulan,
Kung matanghal sa madla
Ang aking kahinaang
Balot ng kalungkutan.
Ikaw ang kanlungan
Ng hapo kong kaluluwa,
Ikaw ang aking pahinga
At kapayapaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento