Mga kababayan.
Minarapat kong isulat ang mensaheng
ito dala ng maalab na damdaming makabayan. Hindi ako isang politiko, pinuno ng
bayan, o kaya’y isang eksperto sa mga usaping nakasasaklaw sa pamamahala ng
isang bansa. Ako ay isang ordinaryong mamamayan, na sa kabila ng kanyang
kahinaan at mga kakulangan, ay may marubdob na pagmamahal sa Diyos at sa bayan.
Ngayon, hindi natin maikakaila na
ang ating bansa ay nababalot ng pangamba at alinlangan dahil kumakatok ngayon
sa ating pintuan ang isang panibagong banta. Katulad noong nagdaang mga siglo,
may mga dayuhan na nagnanais angkinin ang ating mga teritoryo at yurakan ang
ating pagkabansa. Hindi na ito lingid sa kaalaman ng marami. Gayunpaman, higit
na nakakabahala, ay ang tila kawalan ng pakialam ng iilan. Para sa kanila, ito
ay nagiging paksa ng mga biro at tawanan. Para naman sa iba, ang ating
pagpupumilit na ipaglaban ang ating mga teritoryo ay pagnanais na magsimula ng
isang digmaan.
Bilang isang Pilipino at isang taong may
isip at damdamin, kailanman, hindi ko papangarapin na danasin ang digmaan. Ang
digmaan ay kasuklam-suklam. Wala itong sinisino, armado man o sibilyan. Walang
nananalo o natatalo, liban sa personal na interes ng mga nagpapasimula nito.
Kasuklam-suklam ang digmaan. Ngunit ang kompromiso? Ang isuko na lamang sa
dayuhan ang mga teritoryong tunay namang sa atin? Hindi ito katanggap-tanggap!
“Ang tunay na makabayan ay tumutupad sa
pagbubuti ng kanyang mga kapwa, gaano man ka-aba ang kanyang katungkulan.
Anumang munting kabutihang nagawa sa mababang katayuan ay marangal at
tanghal...”
Bahagi ito ng “La Revolución Filipina” ni
Gat Apolinario Mabini. Mainam na pagnilayan natin ang mga pangungusap na ito.
Hindi tayo mga sundalong sinanay upang makipagdigma, hindi rin tayo mga pinuno
ng bayan na may kapangyarihang gumawa ng mga desisyon na magtatakda ng
kapalaran ng bansa. Tayo ay mga ordinaryong mamamayan na nagnanais ipagtanggol
ang kanyang bayan. Ngunit ano ang ating magagawa? Magsaliksik, mag-aral,
magbantay, kalampagin ang mga nasa kapangyarihan na huwag magpabaya at
magwalang-bahala.
“... habang maliit na kabutihan lamang ang
nagawa sa makapangyarihan at mataas na katungkulan, ito ay kapabayaan at
kawalang-kusa.”
Sa ating mga pinuno, wala ako sa lugar
upang magbigay ng payo o kaya ay suhestiyon sa kung ano ang dapat at mas mainam
na gawin, ngunit ako po ay may panawagan. Kilalanin po sana ninyong mabuti kung
sino ang tunay na kaibigan at kaaway ng ating bayan. May iilan na nagpapanggap
na tayo raw ay kanilang kaibigan at handa tayong saklolohan sa oras ng ating
pangangailangan, ngunit kung kikilalaning mabuti, ay baka mahayag na ang tunay
na layunin ay magsimula lamang ng kaguluhan na tayo ang pain na nakahayag. Nangangamba
ang mga mamamayan na tayo ay bigla na lamang itapon sa alimpuyo ng kaguluhan na
hindi naman natin ninais. Huwag po sana kayong mabulag sa mga pangako ng
alyansa, bagkus, pagnilayan at isiping mabuti ang mga hakbang na tunay na
magpapanatili sa kapayapaan. Naisulat din noon ni Gat Apolinario Mabini, na
kaya nabigo ang rebolusyon ay dahil mali ang pamamahala rito. Matuto po nawa
tayo sa kasaysayan. Palagi po nawa nating unahin ang kapakanan ng bayan higit
sa mga personal na interes. Isantabi muna ang pulitika at papaghariin naman ang
kapakanan ng taumbayan! Tigilan na po muna natin ang mga sarswela na ang
tanging layunin ay pabanguhin ang inyong mga pangalan. Hindi na po natin
kailangan ng mga bayani. Ang kailangan ngayon ng bayan ay mga tunay na pinuno.
***
“Ang mamatay nang dahil sa’yo”, puno
ng tapang at pagmamahal sa bayan. Ngunit, kailangan pa bang umabot tayo rito?
Kung kinakailangan, oo. Buong giting nating ipagtatanggol ang ating bayan kung
dumating man ang oras na kailanganin tayo nito. Gayunpaman, mas hangarin natin
na mabuhay tayo sa isang bansang malaya at payapa.
Ingatan nawa tayo ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento