Pangalawa, wala lang yung title nitong blog post. Pampabigat lang yung salitang "treatise" para maging interesado kang basahin ang hindi kahabaang sulatin ko.
Para sa mga taong nakakakilala sa akin, nakakagulat na malaman ang bagay na ito. Hindi ako palanood ng TV, at lalong wala akong hilig sa artista. Wala akong hilig sa romance at love teams. Pero nagbago ang lahat nitong nakaraang mga buwan. Noong una akala ko natatangay lang ako ng agos ng isang social media phenomenon, nakikiuso kumbaga, hanggang sa na-realize ko na hindi ako natangay ng agos, kusa akong sumama dito.
AlDub. Kalyeserye.
Sa palagay ko'y hindi ko na kailangan pang ipaliwanag kung ano ito, dahil buong mundo na ang nakakaalam sa trend na ito. Maraming sumusubaybay, maraming humahanga. Bawat fan ay may dahilan kung bakit sila sumusubaybay sa AlDub, at sa lathalaing ito, ibabahagi ko ang sa akin, mga dahilan na bunga ng obserbasyon sa naging epekto nito sa ating lipunan.
Hindi natin maitatanggi ang kasikatan ng tambalang ito, at hindi rin natin maitatanggi na may iilan ding "kababawan" ang tingin dito, pero kung titingnan natin sa mas malawak na aspeto, makikita natin na ang tambalang ito ay higit pa sa isang love team.
***
Naaalala ko pa ang simula ng AlDub. Hindi ko na ie-elaborate pa kung ano ang nangyari noong araw ng July 16, 2015 dahil sa palagay ko alam n'yo ng lahat kung ano ang simula ng kwento at baka nga mas detailed pa ang pagkakakuwento ng ilan sa makakabasa nito. Nagsimula ang lahat sa natural na reaksyon o "kilig" ni Yaya Dub (Maine Mendoza) ng makita niya sa split screen si Alden Richards, at, tulad ng kasabihan, the rest is history.
Lumipas ang mga araw at tila nakita ng mga tao ang natural na chemistry sa pagitan nilang dalawa. At kasabay ng paglipas ng mga araw, dumarami ng dumarami ang mga followers ng istorya ng dalawa.
Madaling minahal ng tao ang AlDub, hindi lang dahil sa kilig na idinudulot nito.
Madaling sabihin, sa opinyon ko, na agad na nag-click sa madaming tao ang tambalang AlDub dahil sa natural na emosyon at reaksyon na ipinapakita ng mga bida ng istorya, samahan mo pa ng mga aral na ibinabahagi ng itinuring na antagonist ng tinaguriang Kalyeserye, si Lola Nidora (Wally Bayola), isang conservative na Lola.
Madaming naibahaging "Words of Wisdom" si Lola Nidora na bumuhay sa mga matatandang kultura at asal nating mga Pilipino na tila natabunan na ng patuloy na modernisasyon. Nakakatuwa rin na naipapaabot ang mga aral na ito sa pamamagitan ng mass media at hindi maikakailang madaming naimpluwensiyahan ang Kalyeserye at ang AlDub from all walks of life. Bata man o matanda, mayaman man o mahirap, sikat man o ordinaryong tao, ay nahumaling sa trend na ito. Maaaring dahil sinasalamin din ng Kalyeserye ang mga isyung kinakaharap ng ating lipunan ngayon, at ang mismong lipunan na ginagalawan natin ngayon.
Naisulat ko noon sa isa kong blog post ang kahalagahan ng paghihintay.
"Sa mundong ang lahat ng bagay ay nakukuha ng mabilisan, hindi na nalalaman ng tao kung paano magpahalaga, at ayokong maging isa sa kanila. Ngayon alam ko na kung bakit mahilig ako sa mahabang hintayan. May mga bagay, may mga tao na karapat-dapat hintayin at paglaanan ng panahon, at kung dumating ang panahon na napunta na sila sayo, pahahalagahan mo ito."
Isa yan sa mga quote na ibinahagi ko sa nasabing blog post. Nabubuhay tayo sa panahong ang lahat ay mabilisan, instant kumbaga. Sa lipunang ginagalawan natin ngayon, lagi tayong nagmamadali, at dahil dito, hindi na natin malasap ang mga sandaling mahalaga sa atin, ni hindi na nga natin kayang
panghawakan at pahalagahan ang mga bagay na hawak natin. Minsan naman, madali nating nakukuha ang mga bagay na gusto natin ng hindi man lang pinaghihirapan. Ipinakita sa atin ng Kalyeserye ang kamalian ng kulturang ito. Ipinaalala nila sa atin ang kahalagahan hindi lamang ng paghihintay, kundi pati ng pagsusumikap hanggang sa makarating tayo sa "tamang panahon". Sabi nga ni Lola Nidora: "Ang paghihintay ang magbibigay ng tamis sa mga bagay na inaasam. Kapag madaling makaman, madali ring makalimutan."
Nabanggit na lang din ang paghihintay, itinuro din ng Kalyeserye sa kabataan na hindi dapat minamadali ang pag-ibig. Sa panahon ngayon, madaming kabataan ang pumapasok sa boyfriend-girlfriend relationships, at dahil nabubuhay tayo sa henerasyong dinodomina ng teknolohiya at social media, tila ba naging online na rin ang panunuyo. Minsan sa text, minsan sa chat, at marami pang iba. Kalyeserye rebuked this idea. Naaalala mo pa ba ang mga katagang "Fan sign lang love na? Text-text lang kayo na?" Hindi ba't parang patama ito sa atin na nakakalimutan ang tama at tunay na dahilan ng panliligaw? Kaya maituturing ko itong isang malaking panggising sa ating mga kabataan. Bukod pa dito, nakakalungkot ding isipin na may iilang kabataan na mas pinapahalagahan ito kaysa mga bagay na mas dapat nilang pagtuunan ng pansin. Tulad nga ng bilin ni Lola: "Mag-aral muna mag-square root muna bago humarot." Ipinaalala sa atin ng Kalyeserye na mahaba pa ang panahon nating mga kabataan at hindi natin kailangang magmadali sa paghanap ng mga taong mamahalin, dahil ipagkakaloob ito sa tamang panahon.
Tila sinalamin din ng Kalyeserye ang buhay ng mga OFW's na malayo sa kanilang mga pamilya. Nagsilbing metaphor ang split screen at sinisimbolo nito ang milya-milyang layo ng mga OFW's sa kanilang mga mahal sa buhay para mabigyan ito ng magandang buhay. "Sa pag-ibig walang malalim na dagat. Sa pag-ibig walang malayong landas." Ipinaalala nila sa atin na kahit gaano man sila kalayo sa kanilang mga pamilya, ang kanilang mga paghihirap, ang kanilang pagmamahal sa kanilang pamilya, ay tumatawid kahit sa karagatang naghihiwalay sa kanila.
Minahal din ng masa ang mga Lola ng Kalyeserye, hindi lang dahil sa mga nakakatawa nilang pakulo, kung hindi dahil sinalamin nila ang isang bahagi ng kulturang Pilipino na nagbibigay halaga sa ating mga lolo't lola. Sila na mga nagturo sa ating mga magulang, at patuloy na gumagabay sa atin. Itinuro sa atin ng Kalyeserye na pahalagahan ang mga salita at payong binibitiwan ng mga nakatatanda, dahilan sa mas marami na silang pinagdaanan, at sa kanila'y marami tayong matututunan. Ipinaalala din nila na 'wag kalimutan ang paggalang sa mga nakatatanda sa atin. Bilin ni Lola: "Huwag kalimutan ang 'opo'." Sabi ng ilang kababaihan, "Chivalry is dead." Dahil nga ito sa kasalukuyang kultura na isinasabuhay natin ngayon. Nagsilbing ehemplo si Alden sa ating mga kalalakihan sa kung paano umasal ang isang tunay na maginoo, isang kaasalan na natabunan na ng konsepto ng machismo. Masasabing isa siyang makabagong Crisostomo Ibarra na dapat nating tularan. Para naman sa mga kababaihan, nagsilbing ehemplo si Yaya Dub (Maine) sa kung paano kumilos ang isang makabagong dalagang Filipina, isang makabagong Maria Clara. Ang pakikinig nila sa turo ng mga Lola ang nagsilbi nilang gabay at panuntunan sa buhay.
Madami nang naibahaging aral ang AlDub, at hindi na nakapagtataka na kahit ang Simbahan ay sinusuportahan ang trend na ito, dahil sa nagsisilbi itong mabuting ehemplo, hindi lamang sa mga kabataan, kundi sa lahat ng mamamayan na sumusubaybay dito.
Ang higit na kahanga-hanga sa fandom na ito ay ang manipestasyon ng Bayanihan. Bayanihan, hindi lamang sa pagte-trend sa Twitter, kundi maging sa pagsuporta sa mga proyekto nila upang makatulong sa mga nangangailangan. Sabi nga ni Lola Nidora: "Ang tunay na pag-ibig ay pag-ibig sa kapwa. Tandaan, sharing is caring." Milyon-milyong tao ang nakasubaybay. Milyon-milyong tao ang nagbabayanihan. Milyon-milyong tao ang nagtutulungan para sa mga taong nangangailangan. Sa ginanap na "Sa Tamang Panahon concert" nitong nakaraang buwan, ang kabuuan ng ticket sales ay gagamitin upang makapagpatayo ng libraries sa piling mga paaralan. Nakakatuwang isipin na ang isang tambalang nagbibigay saya sa milyon-milyong Pilipino sa buong mundo, ay nagbibigay din ng pagkakataon sa mga nangangailangan na masinagan ng ilaw ng karunungan dahil sa proyektong ito.
***
Hindi maitatanggi na madaming fans ang AlDub at isa ako doon. Milyon-milyon ang nakasubaybay sa tambalang ito at tulad ng naisulat ko na kanina, walang itong kinikilalang estado sa lipunan. Nakakalungkot nga lang, na may iilan sa milyon-milyong taong ito ang tila ba masyadong 'nadadala'. Totoo na may mabuting naibabahagi sa atin ang trend na ito, pero huwag din nating kalilimutan na nasa mundo pa din sila ng Show business. Hindi maiiwasan na may mga intrigang dumating, mga bashers, at kung anu-ano pa.
Bilang isang tagahanga, palagay ko'y kailangan kong ibahagi ito sa mga kasama ko sa natagurian ng "AlDub Nation" at sa lahat ng mamamayan ng Internet na makababasa ng blog post na ito. Tulad ng sinabi ko sa umpisa ng blog post na ito, hindi talaga ako mahilig sa showbiz at mga artista kaya masasabi kong kaunti ang alam ko sa pagiging isang fan.
Araw-araw akong online at araw-araw ko ding nakikita ang mga articles tungkol sa AlDub na nagkalat sa news feed ko sa Facebook at sa Twitter, at oo, binabasa ko ang lahat ng ito. Nakakalungkot nga lang na pagdating ko sa comments section o kaya sa mga replies sa Tweets, may mga bangayan at bashing na nagaganap.
Una sa lahat, conflict is unnecessary. May kanya-kanyang opinyon ang tao, maaaring gusto nila ang AlDub, maaaring ayaw nila, o may ilan na neutral lang kumbaga. Hindi maiiwasan na may mga taong mababaw ang pag-iisip at inaabuso ang karapatan sa malayang pamamahayag sa social media. May mga nagsasabi ng kung anu-anong masama, at bilang isang tagahanga ano ang dapat mong gawin? Wala. Manahimik na lang, at pabayaan. Hindi naman kailangan na makipagtalo pa. Ito na lang ang isipin mo, wala silang napala, at wala kang mapapala kung papatol ka sa kanila. In short, pareho kayong walang mapapala. Isa pa, hindi na kailangang palakihin pa ang mga bagay-bagay. Kung gusto mo sila, OK. Ayaw mo sa kanila? OK. Hindi na kailangang magtalo pa. What they are aiming for is to give joy and impart values to their viewers.
Ito na lang ang ibabahagi ko sa inyo bilang buod, be a responsible netizen, be a responsible fan.
Ayaw mo naman sigurong maging kasiraan ng mga taong hinahangaan mo, 'di ba?
***
Trends do come and go, pero ang kaibahan ng AlDub sa mga naunang trend, AlDub is definitely here to stay.
Bakit?
Dahil hindi ito basta nag-iwan lang ng kilig sa atin, ginising nila ang ating kamalayan at pinatid ang uhaw ng mga Pilipino sa maraming bagay. Uhaw ang Pilipino sa kabutihang asal. Uhaw ang Pilipino sa tapat at totoo. Uhaw ang Pilipino sa mabuti. Ang pagkauhaw na ito ng mga Pilipino sa mabuti ay isang manipestasyon na ang bansang ito, ang sambayanang Pilipino ay may pag-asa na maging dakila muli, sa tamang panahon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento