Hindi ko alam kung paanong ang tulad ko ay sinabihan mo ng mga salitang 'yon
Sinabi mong hindi ka karapat-dapat sa pagmamahal na ibinibigay ko.
"Bakit? Sino ba ako? Ano ba ako? Paano mo nasabing di ka karapat-dapat?"
Tanong ko sa sarili ko.
Tanong na kung 'di ko masagot ngayon, marahil ay 'di ko na masasagot pa,
kahit kailan.
Tanong na kung 'di mo masasagot ay 'di ko rin malalaman ang tunay mong dahilan.
Dahil sa totoo lang, ako ay isang taong walang kabuluhan
Walang bilang sa mundong ating ginagalawan
Na kung 'di gumalaw sa sulok na kanyang kinaroroonan ay 'di mapapansin,
Na kung 'di magparamdam ay 'di maaalala,
Na kung 'di makikita ay 'di makikilala.
Bakit mo nasabing 'di ka karapat-dapat?
Ano ba ang tunay mong dahilan?
Sa paglipas ng araw lalo akong nahihiwagaan
sa kung ano nga ba ang tumatakbo sa iyong isipan
Sabi mo may ibang karapat-dapat para sa ibinibigay ko,
Pero minsan bang sumagi sa isip mo na sana ay ikaw ang taong 'yon?
Sinabi mong pagiging makasarili kung paghihintayin mo ako
sa isang bagay na 'di mangyayari
Ni sa hinagap ba ay hindi mo inisip ang posibilidad,
Na ikaw at ako, ay magtatagpo sa dulo ng iisang landas?
Kung ang pagiging manhid ang siya mong dahilan,
Siguro'y di mo alam, na ang bato ay naaagnas din sa katagalan,
Na ang pusong bato at damdaming manhid ay magbubukas din balang araw.
Sinabi mong siguro nga'y magmamahal ka din pagdating ng araw,
At gusto kong malaman mo, na gaano man magtagal ang pagdating
ng panahong iyon,
Mananatili akong nakatayo sa pintuan ng puso mo,
Upang sa pagbubukas nito ay ako ang maging una't huling panauhin nito.
Sabi mo 'di ka karapat-dapat sa pagmamahal na ibinibigay ko,
Ganoon din naman ang naiisip ko, na 'di rin ako karapat-dapat para sa'yo,
Kaya naman pala,
Mananatili nga naman palang imposible ang lahat,
Dahil paanong magtatama ang ating mga mata,
Kung pareho nating tinitingala ang isa't-isa?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento