Marahil umaga't gabi akong nakadilat
Napapaligiran na siguro ako ng relo,
Para lang matiyak na sakto ang paghiling ko,
Siguro pati time zone ng ibang bansa ay aabangan ko,
Para lang makasigurado
Kung totoo lang sana ang paghiling sa bituin at bulalakaw,
Marahil gabi-gabi akong nakahiga sa kawalan
Mananatili siguro akong nakatingala
Hangga't di ko nahihilingan ang bawat isa
Siguro'y ikakabit ko na din sa aking mata ang teleskopyo
Para lang maaninag kung may bulalakaw na dadaan sa harap ko
Ayoko kasing malampasan
Dahil baka pangarap ko'y tuluyang maiwan
Kung totoo lang sana ang mga Genie sa lampara,
Siguro matagal na akong naghanap at nangolekta
Siguro'y kikiskisin ko ng kikiskisin ang mga ito
At kukulitin ng kukulitin ang natutulog na espiritu,
Gusto kong ipaabot sa kanya ang aking mga hiling
Na kahit tulad man lang kay Aladdin,
Ibigay niya ang tatlong kahilingan para sa akin
Kung totoo lang sana ang wishbone
Baka ang dami ko ng naipong buto
Baka nga tubuan na ako ng pakpak at balahibo
Kakakain ng manok na pinrito
Kahit siguro tumaas ang cholesterol ko
Hindi pa din ako mahihinto
Makarami lang ng butong maiipon,
Matupad lang ang kahilingan ko
Kung totoo lang sana ang mga wishing well
Siguro'y mauubusan ako ng barya
Ipamamalit ko sa tigpi-piso at tigse-sentimo,
Sa tigli-lima at tigsa-sampu,
Kahit ang ilang daang libo
Makapaghagis lang sa balon
Siguro'y barya na lang din ang makikita mong nakaahon
Sa dami ng inihulog ko
Kung magagawa ko lang sanang mabuhay sa loob ng panaginip ko,
Siguro'y mananatili akong nakahimlay sa totoong mundo
Marami kasi akong hiling,
Maraming pangarap na gustong tuparin,
Kaso sa realidad, hindi pwede ang gusto ko,
At imposible ang mga naunang binanggit ko
Hindi kasi ganon kadali ang mundo,
Mananatiling pangarap ang pangarap mo,
Kung mananatili ka ding nakaupo
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento