Sabado, Oktubre 18, 2014

Anong hanap?

"Boy, anong hanap mo?"

Madalas kong marinig ang katagang yan mula sa mga tindera dahil madalas din akong madaan sa isang maliit na mall sa Malolos bago magsimula ang Misa sa Katedral pag naglilibot ako pampalipas ng oras.

Isang beses, may malalim akong iniisip (lagi naman), narinig ko uli ang katagang yon: "Boy, anong hanap mo?" Ano nga ba ang hinahanap ko?

Ikaw. Ano bang hinahanap mo?

Lahat ng tao may hinahanap pa sa buhay nila. Lahat tayo may kakulangan. Lahat tayo may parte sa pagkatao na gusto nating punan. Mapamateryal man o hindi, may mga bagay pa tayong hinahangad na mapunta sa ating mga kamay.

"Great things come to those who wait." Isa sa mga prinsipyo ko sa buhay ay maghintay ng tamang panahon para sa lahat ng bagay. May mga bagay (O tao.) akong gustong mapasakin pero hinihintay ko lang ang tamang panahon para dumating. Totoo naman. May mga mabubuting bagay na dumarating sa mga taong naghihintay. Pero minsan, kahit gano ka katagal ka maghintay, may mga bagay talaga na hindi para sa sayo. Wag mo sanang iisipin na ang buhay ay hindi patas dahil lang hindi mo nakuha ang gusto mo. Wag na wag mong sasabihing: "Naghintay naman ako pero bakit hindi dumating? Bakit hindi napunta sa kin? Ang daya naman!" Patas ang buhay. Tao ang hindi patas ang pagtingin sa buhay.

May mga bagay na darating sa tamang panahon. May mga bagay na di talaga darating.

At may mga bagay tayong hinahanap na dumating na pero humahanap pa rin ng iba. Mga bagay na hindi natin pinahalagahan at hinayaan nating mawala.

Madalas, mga taong naging bahagi ng buhay natin ang hindi natin pinahalagahan. May mga tao tayong nakakasalamuha. Mga taong nagbibigay sayo ng halaga. Siguro sa ilang panahon, mananatili sila sa atin. Sa pagtagal maiisip mo hindi sila mawawala. At darating ang panahon na sasabihin mong hindi na kita kailangan. Tapos no'n bigla kang maghahanap ng isang tao na magpapahalaga sayo. Bulag. Naghahanap ka ng isang taong magpapahalaga, magmamahal sayo pero nasa tabi mo lang sya sa loob ng matagal na panahon. Sa panahon ngayon, madaming taong bulag. Oo nga't nakakakita sa mata, ngunit ang puso ay hindi marunong kumilala.

Ano ang hanap mo? Naisip ko na mali ang tanong na naglaro sa isipan ko. Dapat ko palang itanong sa sarili ko, ano ang kailangan ko?

Lagi nating iniisip kung ano ang gusto natin pero hindi natin iniisip kung ano ang kailangan natin. Marami tayong hinahanap pero di naman talaga natin kailangan. Mapabagay man o tao. Hanap tayo ng hanap pero hindi natin nakikita ang mga nasa harapan na natin. Hinain na sila sa atin pero naghahanap pa tayo ng iba. Sa realidad, mas madalas na ibinibigay ng Diyos ang mga bagay o tao na kailangan natin kesa sa mga gusto natin.

1 komento: