Lunes, Oktubre 13, 2014

Insecurity guard

Hindi ko alam kung dapat ba akong mabagabag ng bagay na to. Pero sa totoo lang, di ako makangiti ng maayos hanggang ngayon dahil dito.

18 taong gulang na ko, at sa loob ng panahong nasa kamalayan na ako, ni sa hinagap ay di ko inisip na ikumpara ang sarili ko sa iba. Bakit? Dahil alam kong ako ay ako at sila ay sila. Sa madaling sabi, bawat isa sa atin ay kakaiba. Hindi ba totoo naman? Kaya nga masasabi kong nabubuhay ako ng naaayon sa sarili kong pag-iisip. Malayo sa idinidikta ng karamihan.

Hindi ako nabubuhay sa inggit. Hindi ako nabubuhay sa "insecurities".

Pero nagbago ang lahat nitong nakaraang mga araw. Hindi ko inakala na mangyayari sa kin to.

Maraming tanong. Bakit hindi ako sya? Bakit sya ganon, bakit ako hindi? Wala akong laban. Wala akong ibubuga laban sa kanila. Yun ang naisip ko.

Kung ikukumpara ko ang sarili ko sa kanya, talagang walang-wala ako. Kilala sya ng madami. Matalino. May sinabi. Sa madaling sabi, halos nasa kanya na ang lahat. Samantalang ako, isang tao na kung hindi magparamdam ay hindi maaalala. Na kung hindi makita ay hindi makikilala.

Bakit nga ba naikumpara ko ang sarili ko sa kanya? Dahil may isang tao na pareho naming gusto.

Mababaw na dahilan pero dahil dito, pinilit kong kilalanin ang sarili ko ng husto dahil sa pangyayaring ito. Nakilala ko nga ng husto ang sarili ko. Isa akong taong mahina ang loob. Isang taong mas pinipiling mag-isa. Isang taong mas pinipiling idaan sa galit ang lahat ng sama ng loob. Isang taong mas pinipiling itago ang lahat ng nararamdaman. Isang taong takot na mawalan ng pagasa.

Boring kung tutuusin. Siguro masasabi mo lalong boring ako kapag nakilala mo pa ako. Sabi ng iba "matandang bata" daw ako at doon ay aminado ako. 18 taon pa lang ako pero parang 75 daw ang utak ko at pananalita. Sa panahon ngayon, ang mga tulad ko, ay masasabing "boring" ng mapangmatang lipunan na ginagalawan natin ngayon.

Gayunpaman, maraming bagay ang natutunan ko. Kahit alam kong hindi ako katulad nya, alam ko sa sarili kong ako ay dapat maging ako dahil may dahilan kung bakit ako ganito.

Sabi ko wala akong kalaban-laban, pero nasabi ko sa sarili ko, wala naman ako sa digmaan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento