Sabado, Oktubre 18, 2014

Sinungaling

Dapat ingatan ang mga salitang bibitawan.

Maraming beses na.

Maraming beses na sa kin ginawa. At oo, hindi nakakatuwa.

(At bago ko simulan ang nilalaman ng blogpost na to, gusto kong malaman nyo na galit na galit ako habang ginagawa ko ito dahil sa "hindi ko na alam kung pang-ilang" pagkakataon, ginawa na naman sa akin ang isang bagay na ayokong ginagawa sa kin: ang pagsinungalingan. Isang bagay pa, wag nyong isiping nagdadrama ako o masyado akong sensitibo. Ginagawa ko ito dahil ito ang paraan ko para maglabas ng sama ng loob ko. Ngayon, kung hindi ka naniniwala sa sinasabi ko, malaya kang i-close ang tab na naglalaman ng blog ko o kaya naman ay ilipat mo na lang sa ibang blog.)

Matagal bago ko naintindihan. Matagal bago ko naramdaman. Pero ngayon nagiging malinaw ang lahat. Isa lang naman akong ordinaryong taong walang pinanghahawakan kundi ang buhay nya kaya madali para sa mga tao ang magsabi sa akin ng mga bagay na walang katotohanan, mga pangakong walang katuparan, at mga paalam na hindi kayang panindigan. Kahit anong galit ang maramdaman ko ay wala naman silang pakialam. Sino ba naman kasi ang may pakialam sa isang tao na nabubuhay na parang wala lang kundi isang taong humihinga at napapagod araw-araw para lang masabing nabubuhay pa sya at patuloy na hinahanap ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay naglalakad pa sya sa ibabaw ng mundo? Wag kayong magalala. Hindi ito ang ikinasasama ng loob ko dahil sanay naman akong nag-iisa, at sa totoo lang, mas gusto kong nag-iisa dahil kung mag-isa ako, walang mga taong maaaring gumawa ng mga masasamang bagay sa kin. Walang mga taong nagsisinungaling sa akin. Wala. Wala. Masaya akong mag-isa. Napakasaya.

Nakikinig ako ng "Ode to Joy" ni Beethoven habang sinusulat ko ito. Sumasabay ang emosyon ko sa pagtaas ng bawat tono at nota. Tumitindi ang galit ko at hindi ko mapigilan. Buti na lang at gabi at nasa wastong isipan pa ko kaya hindi ko na tinangka pang sumigaw para kahit pano mabawasan ang galit ng nararamdaman ko. Baka magising pa ang nanay ko at mga kapitbahay namin.

Dapat ingatan ang mga salitang bibitawan.

Sinungaling. Mga taong di nagsasabi ng totoo. Yun lang ba ang ibig sabihin ng pagiging sinungaling? Sa totoo lang, marami pa, pero itutuon ko ang pansin ko sa ilan.

Mga taong hindi tumutupad sa pangako.
Mga taong hindi kayang panindigan ang mga salitang kanilang binitawan.

Tingin mo ano ang pakiramdam ng napagsisinungalingan? Maliban sa masakit ay marami pang iba.

Kaya nga hindi ko rin masisisi kung bakit may mga taong wala ng tiwala sa mga taong nakapaligid sa kanila liban siguro sa ilan na talagang nakasama na nila ng matagal. Mahirap ang mapagsinungalingan. Nakakagalit ang mapagsinungalingan. Ang mga taong napagsisinungalingan ay nakakaramdam ng kalungkutan at awa sa sarili dahil iniisip nilang wala silang halaga kaya nagagawa silang paglaruan. Nakakaramdam sila ng inis sa sarili dahil naniwala sila. At kadalasan, ito ang nararamdaman nila ang nagiging dahilan para baguhin nila ang kanilang mga sarili. Minsan para sa mabuti, minsan para sa masama. Paano ko nalaman? Naranasan ko na yan. May mga pagkakataong nananaig sa kin ang galit, may mga pagkakataong nananaig sa kin ang pagpapatawad. Pero ngayon, madalas kesa hindi, galit ang nararamdaman ko.

Dapat ingatan ang mga salitang bibitawan.

Madaling mangako, ngunit mahirap itong tuparin. Madaling magbitaw ng salita, ngunit mahirap itong panindigan. Madaling magpaalam, ngunit mahirap ang mang-iwan. Nagagalit ako. Galit na galit ako, dahil lagi akong nangangako sa sarili ko. Lagi akong nagpapaalam pero sa totoo lang hindi ko talaga kayang iwanan.
Sabi ko kanina masaya akong mag-isa dahil walang mga taong magsisinungaling sa kin. Meron pala. Niloloko ko ang sarili ko. Nagsisinungaling ako sa sarili ko. Lagi kong sinasabing ayos lang ako pero hindi. Lagi kong sinasabing masaya na ko pero hindi. Lagi kong sinasabing malakas ang loob ko pero hindi.

Galit ako. Galit ako sa sarili ko dahil hindi ko kayang panindigan ang mga salitang binitiwan ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento