"We define the limit of a function as something that can be approached but never reached."
Uunahan na kita. Wag kang mag-alala. Hindi ito isang tutorial sa Calculus.
Madalas, napag-uusapan namin ng mga kaibigan ko kung saan bang parte ng buhay namin magagamit ang mga itinuturo sa amin sa eskwelahan. Siguro ikaw din naitatanong mo din sa sarili mo: "Saan ko nga ba gagamitin ang mga equation na to? Sa tindahan?" Sa totoo lang, hindi ko din alam kung ano ang paggagamitan ng mga problemang de numero na hinaluan pa ng letra.
Flashback. Una kong nakaenkwentro ang konsepto ng Limits nung 4th year high school ako. At oo, may Calculus na kami noon. "Find the limits of the f(x), *ipasok ang masakit sa ulong equation* as X approaches ... (Hello sa teacher ko ng Calculus nung HS.) Nagkita uli kami ni Limits noong 2nd year, 1st semester, AY 2013-2014. At noong nakaraang araw, may nahawakan akong libro ng Calculus kung saan nakatagpo ko uli ang leksyon na ito na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit kailangang pag-aralan.
Tulad ng sinabi ko kanina, hindi ito isang tutorial sa Calculus. Sabihin na nating napaghugutan, pero siguro maiintindihan mo din ang mga bagay na susunod kong sasabihin.
"...something that can be approached but never reached."
Nasubukan mo na bang lapitan ang isang bagay na hindi mo naman maaabot?
Ha? Ano daw? Bakit ko pa lalapitan kung di ko naman maaabot?
Lahat tayo ay mayroong pangarap na gustong maabot. Mga bagay na gusto nating mapunta sa ating mga kamay. Gayunpaman, nauunahan tayo ng takot. Nauunahan tayo ng hiya. Nauunahan tayo ng pag-aalinlangan. Tulad nga ng sabi sa isang kanta: "Baka ka maiwanan kung hindi mo susubukan." Paano mo maaabot kung hindi mo lalapitan? Ano? Hihintayin mo bang ito ang lumapit sa iyo? Hindi kaibigan. May mga bagay na hindi nadadaan sa pasipol-sipol lang.
Aminin man natin o hindi, lagi naman tayong nauunahan ng takot. Paano kung ganito? Paano kung ganyan? Lahat naman ng pangarap nagsisimula sa pagiging imposible. Sabi nga ni St. Francis of Assisi: "Start by doing what's necessary; then what's possible, and suddenly...you are doing the impossible." Gawin mo ang dapat mong gawin para gawing posible ang imposible. Hindi ang mundo ang kikilos para abutin ang pangarap mo. Ikaw mismo. Hindi ako, hindi sila. Ikaw.
Marami din akong gusto sa buhay. Iniisip ko lagi na para yatang masyado akong nangarap ng mataas, na hanggang pangarap na lang yata ang mga bagay na gusto ko, pero hindi ako nakukuntento sa pangangarap lang. Kung gusto ko, dapat kong pagsumikapang makuha.
Siguro nga hindi natin magagamit ang mga pinaghalong letra at numero sa tunay na buhay, pero ang mga konsepto nito ay isang mahalagang leksyon na maaari nating maiugnay sa tunay na buhay
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento