Lunes, Hulyo 8, 2024

Paano tayo umabot sa ganito?


Bilang isang Pilipino, ikinararangal ko na kilala ang ating lahi sa maraming katangian na bagamat hindi katangi-tangi, ay dapat ipagmapuri.


Tayong mga Pilipino raw ay palangiti at masiyahin, palakaibigan, mapagmalasakit, matulungin, madasalin, mainit sa pagtanggap sa kapwa, kakilala man o hindi, at marami pang iba. Dala marahil ng ating mga paniniwalang nakaugat sa pananampalataya sa Diyos, sinasalamin ng mga katangiang ating kinalakihan ang kung anong dapat at mabuti.


Pero, anong nangyari?


Ang isa sa ating pagkakakilanlan bilang isang lahi, tila natabunan na ng mga ugaling taliwas sa mabuti.


Sa panahon ng internet at social media, kung saan halos lahat ng tao ay maaring magbigay ng kanilang mga opinyon, nakakalungkot at nakakagalit na makita kung paanong unti-unting nawawala ang urbanidad at pagiging disente ng karamihan. Hindi na naging paraan ng mabuting diskurso ang social media, lalo na sa Facebook na pinakapamilyar sa mas nakararami. Naging tanghalan ito ng mga Pilipinong walang malasakit sa kapwa, walang simpatiya, walang pakikiramay. Purong kawalang-hiyaan. Ang dali para sa kanilang magbitaw ng mga salita at opinyon na walang pakialam sa kung anong tama o mali. Ang mahalaga sa kanila, makapagkomento.


Pinapapalala pa ito ng mga "influencers" na mas dapat sigurong tawaging "clout chasers". Mga tipo ng tao na sasakyan ang isang isyu o sikat na mga tao o grupo ng tao, at magkokomento ng negatibo o kaya ay "edgy take" para mapansin. Madali pa namang madala ang mga tao sa mga hindi pangkaraniwang opinyon sa mga usapin. "Parang tama nga ito ano?" "Siguro nga ganito talaga yon." At dahil mabilis lumaganap ang mga bagay sa social media, mas madali itong kumakalat, mas marami ang nakakakita, nadagdagan ang mga naniniwala.


Isa rin siguro sa nagbibigay ng lakas ng loob sa maraming nagkakalat ng kawalang-hiyaan sa internet ang kawalan ng pananagutan (accountability). Ang dali nga namang gumawa ng account na may ibang pangalan, o kaya naman ay mag-deactivate o mag-delete ng account kung sakaling may kaharaping kapalit ang kawalang-hiyaan sa internet. 


Idagdag pa rito ang mga "makabagong" pagtingin sa ugali ng tao. Sa social media, laganap ang pananaw na ang mga taong mabuti, disente, magalang, at kung ano pang kabutihang pwedeng taglayin ng tao, ay mga ipokrito at plastik, minsan elitista pa. Ang mga madasalin daw, nagdadasal pa at nagsisimba, pero pagkatapos naman, manghuhusga na ng kapwa. Ang mga disente naman, may tinatago ring kalokohan. Etc., etc. Kung ito ang pagbabatayan, ano ang sukatan ng pagiging mabuti sa panahon ngayon? Magpakatotoo raw tayo. At ano ang pagiging totoo sa panahon ngayon? Kung anong kabaligtaran ng bawat mabuting ugaling alam mo. Disente ka? Maging bargas ka na lang. Magalang ka? Maging bastos ka na lang. Ito ang sukatan ngayon. Nakatuon sa kahinaan natin bilang tao. Ito raw ay likas na sa atin dahil tayo ay nagkakamali. Hindi na nababatid ng marami na tayo bilang tao ay hindi likas na masama. Oo, tayo ay nagkakamali, pero hindi ito ang dapat nating maging pagkakakilanlan. Kung sa paggawa mo ng mabuti ay nakakagawa ka pa rin ng masama, ipinapakita lamang noon na tayo bilang tao ay nagsisikap pa rin na magpakabuti, dahil ito ang tunay na kalikasan natin. Ang mahirap din kasi sa atin, takot tayo at ayaw natin sa pagtatama. Kaya ang madaling gawin, yakapin na lang ang kamalian. Ito na lang ang gawin nating sukatan.


Nakakalungkot at nakakagalit makita ang asal ng maraming tao sa social media. May krisis sa moralidad sa panahon natin ngayon, at dala ito ng makabagong teknolohiya, na sa simula pa ay isang espadang may dalawang talim. May dulot na mabuti, may dulot na masama.


Bilang Pilipino, ang hirap itanong, paano tayo umabot sa ganito? Hindi ko alam ang sagot, pero mas maganda siguro kung mag-uumpisa tayong tumingin sa sarili natin.

Ikaw ay tubig

Na dumadaloy nang marahan,

Dala ang katahimikang

Hinahanap ng isipan.

Kung maglayag man,

At ako'y maligaw,

Ikaw ang paraluman

Nitong buhay kong hiram.


Ikaw ang apoy 

Na nagbibigay-init

Sa nanlalamig na pusong

Puno ng pananabik.

Ikaw ang hangin

Na umiihip nang payapa

Sa lahat ng dako ay naroon,

Tulad ng 'yong mga alaala.


Ikaw ang moog kong

Sandigang matibay,

Kublihan ng tuwa,

At ng aking mga luha.

Ikaw ang tanggulan,

Kung matanghal sa madla

Ang aking kahinaang

Balot ng kalungkutan.


Ikaw ang kanlungan

Ng hapo kong kaluluwa,

Ikaw ang aking pahinga

At kapayapaan. 


Sabado, Hunyo 22, 2024

Mga kababayan.

 

            Minarapat kong isulat ang mensaheng ito dala ng maalab na damdaming makabayan. Hindi ako isang politiko, pinuno ng bayan, o kaya’y isang eksperto sa mga usaping nakasasaklaw sa pamamahala ng isang bansa. Ako ay isang ordinaryong mamamayan, na sa kabila ng kanyang kahinaan at mga kakulangan, ay may marubdob na pagmamahal sa Diyos at sa bayan.

 

            Ngayon, hindi natin maikakaila na ang ating bansa ay nababalot ng pangamba at alinlangan dahil kumakatok ngayon sa ating pintuan ang isang panibagong banta. Katulad noong nagdaang mga siglo, may mga dayuhan na nagnanais angkinin ang ating mga teritoryo at yurakan ang ating pagkabansa. Hindi na ito lingid sa kaalaman ng marami. Gayunpaman, higit na nakakabahala, ay ang tila kawalan ng pakialam ng iilan. Para sa kanila, ito ay nagiging paksa ng mga biro at tawanan. Para naman sa iba, ang ating pagpupumilit na ipaglaban ang ating mga teritoryo ay pagnanais na magsimula ng isang digmaan.

 

Bilang isang Pilipino at isang taong may isip at damdamin, kailanman, hindi ko papangarapin na danasin ang digmaan. Ang digmaan ay kasuklam-suklam. Wala itong sinisino, armado man o sibilyan. Walang nananalo o natatalo, liban sa personal na interes ng mga nagpapasimula nito. Kasuklam-suklam ang digmaan. Ngunit ang kompromiso? Ang isuko na lamang sa dayuhan ang mga teritoryong tunay namang sa atin? Hindi ito katanggap-tanggap!

 

“Ang tunay na makabayan ay tumutupad sa pagbubuti ng kanyang mga kapwa, gaano man ka-aba ang kanyang katungkulan. Anumang munting kabutihang nagawa sa mababang katayuan ay marangal at tanghal...”

 

Bahagi ito ng “La Revolución Filipina” ni Gat Apolinario Mabini. Mainam na pagnilayan natin ang mga pangungusap na ito. Hindi tayo mga sundalong sinanay upang makipagdigma, hindi rin tayo mga pinuno ng bayan na may kapangyarihang gumawa ng mga desisyon na magtatakda ng kapalaran ng bansa. Tayo ay mga ordinaryong mamamayan na nagnanais ipagtanggol ang kanyang bayan. Ngunit ano ang ating magagawa? Magsaliksik, mag-aral, magbantay, kalampagin ang mga nasa kapangyarihan na huwag magpabaya at magwalang-bahala.

 

“... habang maliit na kabutihan lamang ang nagawa sa makapangyarihan at mataas na katungkulan, ito ay kapabayaan at kawalang-kusa.”

 

Sa ating mga pinuno, wala ako sa lugar upang magbigay ng payo o kaya ay suhestiyon sa kung ano ang dapat at mas mainam na gawin, ngunit ako po ay may panawagan. Kilalanin po sana ninyong mabuti kung sino ang tunay na kaibigan at kaaway ng ating bayan. May iilan na nagpapanggap na tayo raw ay kanilang kaibigan at handa tayong saklolohan sa oras ng ating pangangailangan, ngunit kung kikilalaning mabuti, ay baka mahayag na ang tunay na layunin ay magsimula lamang ng kaguluhan na tayo ang pain na nakahayag. Nangangamba ang mga mamamayan na tayo ay bigla na lamang itapon sa alimpuyo ng kaguluhan na hindi naman natin ninais. Huwag po sana kayong mabulag sa mga pangako ng alyansa, bagkus, pagnilayan at isiping mabuti ang mga hakbang na tunay na magpapanatili sa kapayapaan. Naisulat din noon ni Gat Apolinario Mabini, na kaya nabigo ang rebolusyon ay dahil mali ang pamamahala rito. Matuto po nawa tayo sa kasaysayan. Palagi po nawa nating unahin ang kapakanan ng bayan higit sa mga personal na interes. Isantabi muna ang pulitika at papaghariin naman ang kapakanan ng taumbayan! Tigilan na po muna natin ang mga sarswela na ang tanging layunin ay pabanguhin ang inyong mga pangalan. Hindi na po natin kailangan ng mga bayani. Ang kailangan ngayon ng bayan ay mga tunay na pinuno.

 

***

 

            “Ang mamatay nang dahil sa’yo”, puno ng tapang at pagmamahal sa bayan. Ngunit, kailangan pa bang umabot tayo rito? Kung kinakailangan, oo. Buong giting nating ipagtatanggol ang ating bayan kung dumating man ang oras na kailanganin tayo nito. Gayunpaman, mas hangarin natin na mabuhay tayo sa isang bansang malaya at payapa.

 

Ingatan nawa tayo ng Diyos.

Lunes, Hunyo 10, 2024

BINI

Kay tagal bago kita minahal.


Sa mga lumipas na taon, naging sobrang abala ako sa maraming bagay lalo't higit sa aking trabaho bilang isang pintor. Halos nawalan na ako ng panahon at interes sa mga bagay-bagay sa paligid.


Hanggang sa dumating ang buwan ng Marso nitong taong kasalukuyan.


May nakita akong isang "shared post" sa Facebook, tampok ang isang bagong awitin ng isang P-POP girl group. BINI. Sabi ko: "Ang ganda ng kanta. Ganda ng bass line. Pakinggan ko nga pag nagkaroon ako ng oras." Kaso, sa sobrang pagkaabala, nakalimutan ko nang pakinggan uli yung narinig kong kanta. Naalala ko lang ito muli noong pinatugtog ito sa sasakyan habang pauwi kami galing sa isang overnight swimming. 'Di na nawala sa isip ko yung tugtog at letra ng kanta. Kinabukasan noon, sa biyahe ko mula sa bahay namin sa Malolos papuntang Pampanga, ang kantang 'yon ang tumutugtog sa earbuds ko, kahit sa pag-uwi ko, iyon pa rin. Paulit-ulit, parang yung pamagat din ng kanta, "Salamin, Salamin".


Pagkauwi ko, tiningnan ko yung grupo na kumanta noon. Nagsimula akong manood ng mga videos nila, mula sa core videos, roadtrip adventures at kung anu-ano pa. Tuluyan akong naging interesado sa kanila, hanggang sa pinakinggan ko na ang iba pa nilang mga kanta. Ang gaganda. Mula sa mga titik, sa musika, sa mensahe, wala akong nasabi kundi; "meron pala tayong ganitong mga talento, bakit ngayon ko lang sila nakilala?"


Sa paglipas ng mga araw, iba-ibang kuwento pa tungkol sa kanila ang narinig at nabasa ko.


Naantig ako sa kung paano sila nagsimula at sa kung paano sila nakarating kung nasaan sila ngayon. Kaya rin siguro marami ring humanga at humahanga sa kanila. Naghirap sila sa training ng ilang taon na ang puhunan ay literal na dugo at pawis, lakas ng loob at pangarap. Matiyaga at masigasig sila sa pagpe-perform kahit iilan lang ang nanonood at nakakakilala sa kanila. Ibinigay at ibinibigay nila ang lahat ng kanilang makakaya.


"Ating patunayan sa buong mundo na kapag may ninais ang isang Pilipino, magagawa niya ito." 


Bahagi ito ng isang talumpati ni Dr. Jose Rizal sa Cafe Habanero noong Disyembre 1891, at ang grupong ito ang buhay na patunay na totoo ito!


Mula sa pagpe-perform sa harap ng iilang mga tao, ngayon hindi na mahulugang karayom ang mga tao na gusto silang panoorin. Noon, nag-aalala sila kung may pupunta ba sa event nila, na masaya na raw sila kahit 65 lang sila roon, ngayon, wala pa man din yung mismong kaganapan, hindi na magkamayaw ang mga taong gusto silang makita.


Ninais, Pinangarap. Pinagpaguran. Nakamit. At marami pang makakamit.


Naging salamin sila ng Pilipinong may pangarap.

Marahil, isa ito sa mga dahilan kaya madali silang minahal ng mga Pilipino. Naging inspirasyon sila ng marami, ng mga bata at matanda, na magbubunga ang lahat ng pagpapagod natin. Na balang araw, darating din ang tagumpay na inaasam natin.


Naging salamin din sila ng mga Pilipinong matapang.

Larawan sila ng modernang Binibini, modernang Filipina, na hindi natatakot ipaglaban at ipagsigawan ang kanilang mga adbokasiya at paniniwala. Itinataas nila ang bandera ng mga kababaihan: may alam, may paninindigan, at matapang. 


Napakarami kong gustong sabihin sa kung bakit ako naging tagahanga nila, pero hindi ko mahanap ang mga letra na gusto kong gamitin para ipahayag ang mga iyon. Ang malinaw sa akin, binigyan nila ako ng dagdag na inspirasyon na mangarap nang dahan-dahan dahil "ang buhay ay 'di karera."



Tatlong taon na pala sila ngayon bilang grupo, pero ilang buwan ko pa lang silang nakikilala.


Kay tagal bago ko kayo minahal.


Pero, walang pagsisisi na kayo ay minahal at patuloy na minamahal.


PS.: Mahal na mahal din kayo ng aking "mahal", at gusto n'ya rin kayong makita soon. Hehehe.

Sabado, Mayo 25, 2024

Maghapon

Magandang umaga.
Ang bati natin sa isa't isa.
Sa pagsikat ng araw,
Ang 'yong mukha ang gusto ko na matanaw.

Sa iyong mata,
Nakikita ko ang iyong pagmamahal.
Nagniningning, kumikindat
'Pag nagtatama ang ating mga mata.

Oh, mahal ko.
Alam mong lagi kang nasa isip ko.
Sa pagdilat, sa paghimbing,
Larawan mo ang nasa alaala ko.

Magandang tanghali.
"Kumain ka na ba?" 'Yan ang laging tanong ko.
Alam mo naman na ayaw kitang nagugutom
O pinababayaan ang sarili mo.

At sa hapon, sa t'wing lumulubog ang araw
Alaala mo ang aking natatanaw.
Kumusta na kaya ang araw mo?
Naging mabuti naman kaya ito sa'yo?

Magandang gabi.
Patapos na ang araw, sana ikaw ay katabi.
Magpahinga ka na at humiga
Kinabukasan ay isang panibagong araw.

Oh, mahal ko.
Sana'y kasama ako sa panaginip mo.
'Di man kita kasama, kahit sa panaginip,
Isasayaw kita.

Espasyo

Bakit ka nag-aalala?
Parang may luha pa sa'yong mga mata.
Ang hiningi ko lang naman ay oras
Para pagbutihin natin ang isa't isa.

Tumatanda na tayo at 'di na bumabata
Marami nang nagbago, ito ang katotohanan.
Tapos na tayo sa kilig at dapat pagtuunan
Ng pansin ang mga plano natin at pangarap.

Mahal ko, 'wag kang mangamba
Kung hilingin kong bigyan natin ng oras ang isa't isa.
Maikli lang ang buhay, dapat nating sulitin.
Nais kong mabuhay ka sang-ayon sa gusto mo,
Ganon din naman ang nais ko para sa sarili ko.

Ang gusto kong mangyari ay ganito,
Unahin nating ibigin ang sarili, bago tayo magtagpo
Sa harap ng dambana, bago ako sumumpa
Sa harap ng altar, upang maging iyong kabiyak.

Nais kong mahalin natin ang ating mga sarili
Para mapagbuti natin ang ating mga damdamin.
Kung hahayaan mo lang akong ibigin ang sarili ko,
Higit na pag-ibig pa ang maibibigay ko sa iyo.

Mahal kita noon, mahal pa rin kita ngayon.
'Wag kang magduda sa pagmamahal ko sa'yo.
Ang hiling ko'y para rin sa kabutihan mo,
Mahalin ang sarili at ang lahat ay mapapanibago.